Mga tensyon at insidente sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at Tsina, binanggit ng DFA sa nangyaring COC negotiations sa ASEAN countries at China
Ipinaabot ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at sa Tsina ang mga concern ng Pilipinas sa mga insidente at tensyon sa South China Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, binigyang-diin ng Pilipinas sa 40th meeting ng Joint Working Group on the Implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (JWG-DOC) na ginanap sa bansa ang importansya ng pagkakaroon ng “conducive environment” para umusad ang negosasyon sa code of conduct sa pinagaagawang teritoryo.
Kasama sa pulong ang ASEAN countries at ang China.
“The Philippines raised concerns over recent incidents and challenges in the South China Sea that undermines trust, escalates tensions, and threatens peace, stability and security in the region.” pahayag ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza
Sinabi ni Daza na ipinagbigay-alam ng DFA sa COC negotiations ang mga pangyayari sa South China Sea na nagbabanta sa kapayapaan, katatagan, at seguridad sa rehiyon.
Isa sa mga pinakahuling insidente ay sa Ayungin Shoal kung saan iligal na hinarang at binomba ng tubig ng mga barko ng China at mga barko ng Pilipinas na maghahatid ng mga suplay sa BRP Sierra Madre at ang panunutok ng laser sa Philippine Coast Guard vessels.
Iginiit ng DFA na committed ang Pilipinas na magkaroon na ng epektibo at substantive na COC na gagabay sa mga kilos ng bansa sa South China Sea.
Pero kinakailangan na may maayos na kondisyon upang magtuluy-tuloy ang paguusap sa COC.
“The Philippines said it remains committed to the early conclusion of an effective and substantive COC. We stressed the need to have a conducive environment for the talks to progress.” saad pa ni Daza
Samantala, bumisita naman sa headquarters ng PCG sa Port Area sa Maynila ang mga opisyal ng DFA sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Sinabi ni PCG Spokesperspon Rear Admiral Armand Balilo na napag-usapan sa pagpupulong ng mga opisyal ng DFA at PCG ang mga kaganapan sa West Philippine Sea.
Giit naman ni PCG Rear Admiral Armand Balilo “Ang pinag-usapan lang situation at maaaring hakbangin na susunod na merong coordination with DFA”
Tinalakay din ng PCG sa DFA officials ang mga operasyon nito sa West Philippine Sea.
“Ipinaliwanag din namin ang transparency ng PCG operations sa West Philippine Sea and of course sinabi ng DFA na they are continue to find ways sa diplomatic channel kung paano mare-resolve issue sa west philippine Sea” patuloy pa na pahayag ni Balilo.
Moira Encina