Enrollees sa mga pampublikong paaralan sa Maynila, umabot sa halos 277K
Kabuuang 276, 543 ang bilang ng mga estudyante na nag-enroll sa 107 pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila.
Nakisama naman ang panahon sa pagbubukas ng klase ngayong Martes sa lungsod bagamat kumulimlim sa ilang lugar kaninang umaga.
Nag-inspeksyon ang mga opisyal ng School Division Office ng Maynila sa iba’t ibang paaralan sa lungsod.
Isa sa mga pinuntahan ng mga opisyal ay sa Emilio Jacinto Elementary School sa Tondo, Maynila na nasa 3,300 ang mga enrolled na estudyante.
Natuwa naman si DepEd Manila Division Office OIC Dr. Melody Cruz dahil sa maganda ang turnout ng unang araw ng klase sa lungsod.
Handa rin naman aniya ang mga principal at guro ng mga eskuwelahan na tumugon sa anumang mga aberya dahil sa matagal na pagpaplano at paghahanda na ginawa ng mga ito.
Ang kadalasan din aniya na pangunahing concerns sa unang araw ng pasok sa paaralan ay ang late enrollees at transferees.
Aminado si Dr. Cruz na may kakulangan sa mga silid- aralan pero hindi nila ito itinuturing na malaking problema dahil sa ipinapatupad sa lungsod ang blended learning.
Ang sanhi rin din aniya ng classroom shortage ay bunsod ng on-going construction ng ilang school buildings sa Maynila.
Wala rin naman din aniyang problema sa bilang ng mga guro dahil sobra pa ang mga ito.
Ayon naman sa principal ng Emilio Jacinto Elementary School na si Mrs. Minerva Rosco, wala namang anumang aberya sa unang araw ng klase.
Nagkakaroon lang ng kalituhan at pagkukumpulan sa harapan ng eskuwelahan dahil sa hindi pa alam ng mga mag-aaral ang kanilang section at silid -aralan.
Kapansin-pansin naman na wala na ring mga nakapaskil na visual aids o dekorasyon sa mga silid-aralan bilang pagtugon sa bare wall policy ng DepEd.
Aminado ang mga guro na challenging ito lalo na sa mga nasa elementarya pero handa naman silang tumugon.
Magdadala lang aniya ng visual aids ang mga guro o kaya ay gagamit ng projector sa pagtuturo.
Moira Encina