Panukalang batas na magbabasura sa oil deregulation law inihain sa Kamara
Itinutulak na sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na magbabasura sa Republic Act 8479 o oil industry deregulation act of 1998.
Ito’y matapos ihain ni deputy majority leader ACT CIS partylist representative Erwin Tulfo ang House Bill 8898.
Sinabi ni Tulfo na nalinlang ang taong bayan sa oil deregulation law dahil nawala sa kontrol ng gobyerno ang presyo ng mga produktong petrolyo at napunta sa mga pribadong kumpanya ng langis sa bansa.
Ayon sa mambabatas kailangang maibalik sa gobyerno ang kontrol sa fuel pump prices dahil sa sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa na sinasabing dikta ng pandaigdigang pamilihinan na kontrolado ng mga oil producing countries.
Kapag naging ganap na batas ang panukalang magpapawalang bisa sa oil deregulation law itatatag ang budget ng bayan para sa murang petrolyo o BBMP na nasa ilalim ng office of the president na paglalaanan ng 10 bilyong pisong pondo na huhugutin sa sobrang kita sa ad valorem tax o import duties ng crude oil at incremental dividends sa mga government owned and controlled corporations o GOCC’s.
Ang pondo ng BBMP ay katulad ng oil price stabilization fund o OPSF noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ay gagamiting goverment subsidy tuwing magkakaroon ng oil price adjustment sa world market upang hindi direktang papasanin ng publiko ang bigat ng pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Vic Somintac