Pagdinig ng Senado sa road rage incident sa QC na kinasangkutan ng isang dating pulis, itinakda sa susunod na linggo
Itinakda na ng Senado sa susunod na linggo ang pagdinig sa viral road rage sa Quezon City na kinasangkutan ng retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales at ng isang hindi pinangalanang siklista.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, sa Martes idaraos ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa nangyaring panunutok ng baril ni Gonzales sa isang siklista.
Ayon sa Senador, ipatatawag sa pagdinig si Gonzales kahit pa nakipag-areglo na ang siklista at ayaw nang magsampa ng kaso.
Umaasa naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na magiging daan ang pagsisiyasat ng Senado para matigil na o hindi na maulit ang kahalintulad na insidente at matiyak na ligtas ang mga nagbibisikleta sa kalsada.
Ibabatay rin sa imbestigasyon ang kasong posibleng isampa laban kay Gonzales.
Nauna nang naghain ng resolusyon sina Senators Zubiri at Pia Hontiveros para paimbestigahan ang isyu.
Meanne Corvera