Korte Suprema kinatigan ang disallowance ruling ng COA sa P2 milyong gastos ng TIEZA para sa mga dekorasyon at pailaw
Pinaboran ng Supreme Court ang desisyon ng Commission on Audit (COA) laban sa P2 milyong bayad ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para sa mga dekorasyon at pailaw.
Ito ay matapos na ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ni TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid na kumukuwestiyon sa ruling ng COA na nagpatibay sa Notice of Disallowance sa ibinayad para sa suplay ng holiday decorations.
Noong 2011 ay inotorisa ng TIEZA ang alokasyon ng P2.5 million para sa conceptualization, supply, at installation ng holiday decorations at lightings sa mga gusali ng Department of Tourism, Club Intramuros, at iba pang proyekto nito.
Ang kontrata sa nasabing proyekto ay iginawad sa Kabukiran Garden sa pamamagitan ng direct contracting.
Sa desisyon ng SC, sinabi na nabigo ang TIEZA na ma-justify ang ginawang direct contracting sa proyekto.
Alinsunod din anila sa Government Procurement Law, dapat ay dumaan sa competitive bidding ang proyekto.
Moira Encina