Pekeng dokumento sa paglipat pabalik sa NBP ng ilang drug lords mula sa Sablayan Prison, nadiskubre ng DOJ
“May nagpalusot ng papel na napirmahan daw ng inyong lingkod na inililipat mula sa kanilang kinalalagyan ngayon pabalik sa muntinlupa ang ilang PDL na nailipat na nandoon sa mindoro at ito po ay isang peke ito po yung order na kanilang pinalabas” pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla
Pinaiimbestigahan na ng DOJ sa NBI ang ginawang pamemeke ng dokumento na naguutos umano sa pag-transfer ng 12 high profile inmates pabalik sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, Ipinadala sa email ng iba’t ibang tanggapan ng DOJ ang kopya ng nasabing fake document.
“Nagpunta rito kahapon si director general catapang upang ipakita i-validate parang meron silang pakiramdam na pine-peke yung bar code halatang halatang dinaya kaya huling huli.” patuloy na pahayag ng Kalihim.
Nakasaad sa pinekeng memorandum circular ang pangalan ng 12 PDLs na kasama sa mga tinatawag na Bilibid 19 na tumestigo sa illegal drug trading case.
Pinapalabas sa nasabing dokumento na pinalilipat ang mga naturang preso pabalik ng Muntinlupa mula sa Mindoro.
May hinala si Remulla na may mga empleyado ng Bureau of Corrections at DOJ ang sangkot at kasabwat sa pamemeke.
Hindi rin aniya malayong ang mga PDL mismo ang may kinalaman sa fake order.
“May principal sa criminal law yan he who benefits from the crime is the author thereof kaya malamang kung sila ang makikinabang sila rin ang gumawa niyan gusto nilang makabalik sa muntinlupa”)
Naniniwala ang kalihim na maaaring sa nakaraan ay nangyari na rin ang mga katulad na pamemeke.
Posibleng maharap sa dalawa hanggang anim na taon na pagkakulong ang mga mapapatunayan na nasa likod ng pinekeng DOJ memo.
Moira Encina