Pagbagsak ng eroplano sa Brazil na ikinasawi ng 14 katao, iniimbestigahan na
Nagtungo ang mga imbestigador sa isang liblib na bayan sa Brazilian Amazon, upang siyasatin ang insidente ng pagbagsak ng eropano na ikinasawi ng 14 katao na wala ring iniwang nakaligtas, habang ang mga bangkay naman ay kinikilala na.
Ayon sa mga opisyal sa Amazonas state, lulan ng maliit na turboprop plane ang isang grupo ng Brazilian sport fishermen na patungo sana sa northern town ng Barcelos nang bumagsak ito sanhi ng mabagyong panahon, dahil huli na nang ito ay magsimulang bumaba pagkatapos ay nadulas sa dulo ng runway.
Lumipad ang isang team ng limang air force investigators patungo sa Barcelos mula sa state capital na Manaus, upang simulan ang imbestigasyon sa aksidenteng ikinamatay ng 12 pasahero at dalawang crew.
Sinabi ng mga opisyal, na isa pang eroplano ang nagdala ng mga walang lamang kabaong sa bayan, para paglagyan ng mga bangkay na dinala pabalik sa Manaus upang kilalanin.
Ang nabanggit na eroplano ay mayroon ding sakay na ikalawang grupo na siyang magbibiyahe sa mga abngkay at tutulong sa imbestigasyon.
Ayon sa pahayag ng Amazonas state government, “The teams comprise 10 people from the department of forensic investigation, emergency response and police.”
Batay sa mga paunang ulat, kabilang sa lulan ng eroplano ay mga mamamayang Amerikano, ngunit sinabi ng mga opisyal ng Amazonas na ayon sa paunang imbestigasyon, lahat ng mga biktima ay pawang Brazilian.
Ang mga pasahero ay pawang mga lalaki na bibiyahe patungong Amazon galing sa iba’t ibang bahagi ng Brazil para mangisda ayon sa mga opisyal.
Kabilang sa mga biktima ang isang kilalang surgeon mula sa Brasilia at isang grupo ng magkakaibigan na pangalawang beses na sanang magtutungo sa rehiyon para mangisda, batay sa media reports.
Setyembre ang peak season para sa pangingisda sa lugar, umaakit ito ng mga mangingisda na nais makahuli ng tropical river species gaya ng “tucunare,” o peacock bass.
Napapaligiran ng makapal na rainforest, ang Amazonas ay isang sikat na destinasyon ng ecotourism. Pinupuntahan ito ng daan-daang libong bisita bawat taon, ayon sa Amazonastur, ang kumpanya ng turismo ng estado.
Nasa Rio Negro tributary ng Amazon, ang Barcelos, na isang bayan na may 19,000 katao, ay kilala bilang isang jumping-off point para sa mga ekspedisyon sa kagubatan.
Ang eroplano, na isang twin-engine turboprop na gawa ng Brazilian company na Embraer, ay ino-operate ng regional airline Manaus Aerotaxi.
Sinabi ng mga opisyal na dalawang aircraft na papalapit na sa Barcelos na halos kasabayan ng paparating na eroplanong bumagsak, ang bumalik sa Manaus dahil sa bagyo.