Ilan pang mga kasunduan sa ibang bansa, nilagdaan ng Pilipinas sa United Nations General Assembly sa New York
Nadagdagan pa ang mga kasunduan na nilagdaan at pinasok ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa side lines ng United Nations General Assembly (UNGA) sa New York City, U.S.A.
Pangunahin sa mga pinirmahan ng Pilipinas ay ang High Seas Treaty o ang bagong kasunduan sa Conservation and Sustainable Use of Marine Biological Diversity in Areas beyond National Jurisdiction na nilagdaan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa UN Headquarters.
Ayon sa DFA, ang naturang kasunduan sa ilalim ng 1982 UNCLOS ay mahalagang hakbang para mapangalagaan ang mga karagatan at marine ecosystem ng mundo.
“The agreement is a crucial step towards protecting the world’s interconnected marine ecosystems and supporting integrated ocean governance.” pahayag ng DFA
Pumirma rin sa ilan pang memorandum of understanding ang kalihim.
Isa na rito ay ang pag-renew ng scholarship program ng Hungary para sa Pilipinas kaalinsabay ng ika-50 taon ng ugnayan ng dalawang bansa ngayong taon.
“As we mark 50 years of PH-Hungary relations this month, I am pleased to sign an MOU with FM Péter Szijjártó renewing the Stipendium Hungaricum Scholarship Program, which supports 35 deserving Filipino scholars yearly.” bahagi ng pahayag ni Secretary Enrique Manalo
Magkakaroon na rin ng regular na bilateral consultations ang Pilipinas at Estonia matapos ang MOU signing ng dalawang bansa sa UNGA.
“We look forward to reinvigorating ties in the coming years, particularly in the field of digitalization.” saad pa ng kalihim.
Nakipag-pulong din ang DFA chief sa iba pang mga opisyal at foreign ministers ng ibang mga bansa kung saan tinalakay ang pagpapalawak ng kooperasyon ng Pilipinas sa mga ito.
Ilan sa mga nakaharap ni Manalo ang mga foreign minister ng Costa Rica, Iran, France, Belarus, Saudi Arabia, Switzerland, Romania at Thailand.
Moira Encina