Panukalang batas na magbibigay ng automatic refund sa mga subscribers sa pangit na internet service lusot na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na lilikha ng mekanismo para sa automatic refund sa mga kustomer na mawawalan ng internet service.

Walang tumutol sa pag-apruba sa plenaryo sa House Bill 9021 o ang Refund for Internet and Telecommunications Services Outages and Disruptions Act.

Sa ilalim ng panukalang batas ang mga Public Telecommunications Entities o PTE gayundin ang mga Internet Service Providers o ISP ay magbibigay ng refund credit sa mga kustomer na mawawalan ng internet service sa loob ng 24 oras sa bawat buwan.

Ang refund ay pro-rated o depende sa haba ng service interruption.

Hindi naman kasama sa refund ang mga scheduled maintenance kung ipinaalam ito sa kustomer 48 oras bago ipinatupad o kaya kung ang pagkawala ng serbisyo ay dahil sa hindi inaasahang pangyayari dulot ng natural na kalamidad gaya ng baha, bagyo, lindol o man made calamity tulad ng giyera, pagnanakaw ng service cable at sabotahe.

Ang mga PTE at ISP na lalabag ay pagmumultahin ng 50,000 pesos hanggang 200,000 pesos at kung paulit-ulit ang paglabag ay maaaring alisan ng lisensya, rehistro, o prangkisa.

Ang National Telecommunications Commission o NTC sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology o DICT ang gagawa ng Implementing Rules and Regulations o IRR.

Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *