5.768 trillion pesos 2024 proposed National Budget pasado na ng Kamara
Sa botong 296 na pumabor at 3 na komontra at 0 abstation lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 8980 o General Appropriations Bill for the Fiscal Year 2024 na nagkakahalaga ng 5.768 trilyong piso.
Napagkasunduan sa plenary deliberations ng 2024 National Budget na alisin ang lahat ng confidential at intelligence fund o CIF ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan na walang kinalaman sa National Security kasama ang Office of the Vice President at Department of Education at ilipat ito sa Department of National Defense o DND, Armed Forces of the Philippines o AFP, National Intelligence Coordinating Agency o NICA at Philipppine Coast Guard o PCG para mapalakas ang depensa ng bansa sa anumang internal at external security threat partikular sa usapin sa West Philippine Sea.
Pinasalamatan ni House House Speaker Martin Romualdez ang mga kongresista na miyembro ng 19th Congress partikular ang grupo ng mayorya at minorya na aktibong lumahok sa budget deliberations mula sa committee level hanggang sa plenaryo.
Ayon sa liderato ng Kamara ang General Appropriations Act ang pinakamahalagang piece of legislation na ginagawa ng kongreso kada taon dahil ito ang magtataguyod sa economic agenda at social services ng pamahalaan.
Batay sa legislative calendar ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dumaan sa plenary debate ang proposed National Budget ng Marcos Jr. Administration mula September 19 hanggang September 27 ng taong kasalukuyan.
Inumpishan ng House Committee on Appropriations ang committee hearing ng 2024 proposed National Budget noong Agust 10 at natapos noong September 11.
Sa proseso ng batas ipapadala ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang house version para sa sariling version ng Senado at kung mayroong hindi pagkakasundo ay aayusin sa Bicameral Conference Committee at saka ipapadala sa Office of the President ang final version ng dalawang kapulungan ng kongreso para pirmahan ng Pangulo ng bansa.
Target ng dalawang kapulungan ng kongreso na tapusin ang pagpapatibay sa 2024 proposed National Budget bago ang holiday break ng session ng Kongreso sa buwan ng December upang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para maiwasang ang pagkakaroon ng reenacted budget.
Vic Somintac