Inihayag ng Comelec na may halos 700 positions para sa nalalapit na BSKE sa Oktubre ang walang kumakandidato
Sa datos ng Commission on Elections, 8 rito ay sa pagka punong barangay…tig isa rito ay mula sa Central Visayas at Zamboanga peninsula habang 6 naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
May 124 namang posisyon para sa chairperson ng Sangguniang Kabataan ang walang kandidato habang 543 naman ang para sa mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Pinakamarami sa mga walang kandidato rito ay nasa BARMM at Cordillera Administrative Region.
Ilan sa posibleng dahilan rito ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, ay dahil sa banta sa seguridad, o puwede rin namang disqualified kaya walang tumakbo.
Pero paano nga ba ang mangyayari kung walang tumakbo sa pagka punong barangay?
“Kung may tumakbo at nanalo sa Sangguniang Barangay papasok ang rule of succession sa local government code number 1 kagawad will be elevated sa Punong barangay. Aakyat at mapupunuan ang barangay chair. Vacancy mapupunta sa dulo.” pahayag ng Comelec Spokesperson Atty. Rex Laudiangco
Ganito rin ang para sa SK…pero magkaiba nga lang ng proseso sa pagpupuno sa mababakanteng posisyon.
Sa barangay kasi, salig sa local government code, may kapangyarihan ang alkalde na mag-appoint ng pangpuno sa mga miyembro ng Sangguniang pangbarangay.
Pero iba sa SK members…
“Ang problem natin yung sa SK kasi under SK same succession pa rin mga number 1 na member ng Sangguniang Kabataan aakyat sila bilang SK chairperson magsisi-akyat sila ang permanent vacancy mananatili sa dulo pero paano filling up ng nasa dulo? According to SK Reform Act kelangan ng special elections para mafill up-an. But that is an assumption na merong kakandidato.” dugtong pa ni Atty. Laudiangco
Mayroong higit 27 libong posisyon naman sa BSKE ang un-opposed o walang kalaban.
Pinakamarami rito ay sa BARMM, sinundan ng Eastern Visayas, Western Visayas, at Calabarzon.
Para naman sa un-opposed candidates…ayon sa Comelec dapat meron sila kahit isang boto para maideklarang panalo.
“Kelangan may eleksyon padin diyan single vote will make them win 100 percent naman iboboto niya sarili niya.” sagot pa ni Atty. Laudiangco
Tiniyak naman ng Comelec na bagamat merong mga posisyon ang walang kumandidato, wala namang barangay ang nagkaroon ng zero candidate sa lahat ng posisyon.
Madelyn Moratillo