Kamara magsasagawa pa rin ng mga committee hearings kahit nakabasyon ang session ng limang linggo
Magtratrabaho parin ang mga Kongresista kahit nakabakasyon ng limang linggo ang session ng kongreso para talakayin ang mga mahahalagang panukalang batas na kailangang pagtibayin………
Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang lahat ng standing at special committees ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng hearings sa limang linggong congressional break.
Sinabi ng lider ng Kamara na pinapahintulutan ang lahat ng komite na magtrabaho parin mula September 28 hanggang November 5 upang maisulong ang mga nakabinbing mahahalagang panukalang batas na pakikinabangan ng taongbayan.
Inihayag ng Kamara bagamat naipasa na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang lahat ng mga priority measures ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hiniling sa Kongreso sa pamamagitan ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting marami paring mahahalagang panukalang batas na may kinalaman sa lokal, national at international issues ang dapat pagtibayin.
Nasa proseso na ang Kamara ng pag-review sa mga batas na may kinalaman sa foreign direct investments lalo’t ito ang pinakamalaking source ng external financing mula sa mga mauunlad na bansa na kaibigan ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ni Speaker Romualdez na naipakita ang sipag ng mga mambabatas na miyembro ng 19th Congress sa pagtupad sa parliamentary duties bilang maaasahang katuwang ng Executive Department sa pagsusulong ng mahahalagang polisiya ng Marcos Jr. administration.
Vic Somintac