Manila LGU susunod sa pagsuspinde sa pass- through fee
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Maynila na handa silang sumunod sa Executive Order No. 41 na inilabas ng Malacañang.
Sa nasabing EO, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng local government units (LGUs) na itigil ang koleksyon ng kahit anong pass-through fee sa lahat ng sasakyan na nagdadala ng paninda at kalakal.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, natanggap na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kopya ng EO No. 41 kung saan handa na itong ipatupad sa lungsod base na rin sa direktiba ni Lacuna.
Nakikipag ugnayan na aniya sila sa ilang tanggapan ng pamahalaan para sa nararapat na implementasyon ng EO 41.
Layon ng direktiba ang mas mabisang paggalaw ng mga paninda at kalakal sa mga rehiyon upang buhayin ang mga lokal na industriya.
Ayon sa pangulo, naaantala ang biyahe ng mga produkto dahi sa paniningil ng pass-through fee na maliban sa pagbabayad ay sinusuri pa o iniinspeksyon pa ang mga sasakyan na may dalang kalakal.
Ang mga trak na may dalang produkto ay nagbabayad sa LGU ng bawat bayan na kanilang dinadaanan.
Ayon sa pangulo, layunin ng EO na maging simple ang proseso sa pagbiyahe ng mga kalakal lalo na sa produktong agrikultura.
Nabatid na kasama sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, Mayor’s Permit fees at iba pa.
Madelyn Moratillo