5 thousand pesos na ayuda sa mga magsasaka ipapamahagi ng Department of Agriculture
Aabot sa 2.3 milyong magsasaka ang tatanggap ng tig 5,000 pesos na ayuda mula sa nakolektang taripa o buwis sa imported na bigas noong 2022.
Ito inihayag ng Department of Agriculture matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng 12.7 bilyong pisong pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program o RFFA.
Matatandaan na ibinasura ni Pangulong Marcos Jr. ang panukala ng kanyang economic team na babaan ang taripa sa imported na bigas.
Ang cash assistance mula sa buwis sa imported na bigas ay gagamitin para matulungan ang mga maliit na magsasaka na mapataas ang kanilang produksyon ng palay.
Nakasaad sa programa na nasa 2.3 milyong magsasaka ng palay na naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA ang mabibigyan ng ayuda.
Kabilang sa mga makatatanggap ng ayuda ang mga Farm Co-operatives Associations o FCA, Irrigators Associations o IA, Agrarian Reform Beneficiaries Organizations o ARBO, Small Water Impounding Systems Associations o SWISA.
Inaprubahan din ng Pangulo ang paggamit sa 700 milyong pisong excess tariff collections para sa Palayamanan Plus conditional cash transfer na nasa ilalim naman ng Household Crop Diversification Program.
Layunin naman nito na matulungan ang mga RSBSA registered farmers na nakalista rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Tinatayang nasa 78,000 benepisyaryo ang makikinabang na tatanggap ng tig 10,000 pesos na cash assistance.
Vic Somintac