Tinaguriang Revilla Bill pinagtibay na ng Senado sa huling araw ng Sesyon ng Senado
Inanunsyo ni Senador Ramon ‘bong’ Revilla Jr. na malapit nang maging ganap na batas ang isinusulong niyang panukala na magbibigay ng cash gift para sa mga senior citizen na aabot sa edad na 80, 90 at 100 years old.
Pinal na pinagtibay ng Senado sa huling araw ng sesyon ang Senate Bill 2028 o ang tinagurian na ngayong ‘Revilla Bill’.
Ang senador ang siyang principal author at co-sponsor ng panukalang layong amyendahan ang Centernarian Act (RA 10868).
Sa panukala, ang mga Senior Citizen ay bibigyan ng 10,000 pesos pagsapit nila ng 80 years old; 20,000 pesos naman pagdating ng 90 years old; at 100,000 pesos pa rin pagsapit sa edad na 100.
Ayon kay Revilla, kapag tuluyan nang naisabatas ay hindi na kailangan pang hintayin na umabot ng 100 years old ang ating mga lolo at lola para makuha at ma-enjoy nila ang cash gift mula sa gobyerno.
Nakapag-pasa na ang Kamara ng counterpart bill at bubuuin na ang bicameral conference committee para pag-isain ang bersyon ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Umaasa ang senador na maisasabatas ito sa susunod na taon.
Meanne Corvera