Mga tauhan ng BOC na hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon sa smuggling cases, kakasuhan din ng DOJ
Nagbabala si Justice Secretary Crispin Remulla na ipaghaharap din ng mga kaso ng Department of Justice (DOJ) ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na mabibigo na makipagtulungan sa mga imbestigasyon nito sa agricultural smuggling at lahat ng uri smuggling sa bansa.
“Kapag hindi po sila nakipag-cooperate sa Department of Justice sabihin nating mayroong examiner ng customs na hihingan ng dokumento at hindi nag-cooperate sila po ay aming ididemanda bukod sa smuggler” pahayag ni Secretary Crispin Remulla
Ayon sa kalihim, ang trabaho ng DOJ ay hindi lamang habulin at papanagutin ang mismong smugglers kundi maging ang mga tauhan ng BOC na pumapayag na magpalusot ng mga smuggled na produkto.
Aniya, maraming nawawalang kita ang bansa dahil sa smuggling kaya patuloy ang pakiusap ng DOJ sa BOC na pagbutihin ang pagbabantay sa mga pantalan.
“Ang problema talaga dyan ung enforcement ng bureau of customs diba obvious ba sila ung nakabantay sa pantalan sila po ang dinadaanan ng lahat at sila po ang responsable”dagdag pa ng Kalihim
Iginiit ni Remulla na nasa BOC ang bola pagdating sa smuggling pero mahirap itong sugpuin kung nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan ang mga ito.
Tiniyak naman ng kalihim na ipupursige ng DOJ ang lahat ng smuggled complaints at tutulong sila sa pagpapalakas ng mga kaso laban sa smugglers.
“Wala po kaming dinidismiss na kaso na customs related kagaya ho ng dati sinasabi insufficient evidence ididismiss natin cause we find it to be within our duty to try and build up the cases together with customs enforcer” wika pa ng Kalihim
Moira Encina