DOJ handang tumulong sa case build-up kaugnay sa isyu sa Socorro Bayanihan
Tiniyak ng DOJ na seryoso ito na ipursige ang anumang kaso na maaaring magresulta sa koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay sa isyu sa Socorro Bayanihan Services Incorporated.
Noong Huwebes ay nagkaroon ng coordination meeting ang mga opisyal ng DOJ, DENR, DSWD, DILG at PNP bunsod ng mga kontrobersya na kinasasangkutan ng grupo.
Nagpahayag din ng kahandaan ang DOJ na tumulong sa anumang case build-up na kakailanganin para mapalakas ang mga ebidensya laban sa mga salarin.
Pangunahing layon ng pagpupulong ay mapangalagaan ang kapakanan ng mga bata na nasa Sitio Kapihan na nasa ilalim ng grupo.
Sinabi naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na mahalaga na coordinated o iisa ang direksyon at magkakatuwang ang mga ahensya ng pamahalaan para matugunan ang isyu sa Socorro group.
Hihingin din aniya ng DOJ ang kooperasyon ng Department of Education (DepEd) dahil sa mga ulat na nagagamit ang mga pondo sa 4Ps o Pantawid Pamilya Pilipino Program ng ilang elemento sa Soccoro group.
Moira Encina