Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv inirekomenda na ipagpaliban ang lahat ng biyahe mula sa Pilipinas patungong Israel dahil sa kaguluhan
Iminungkahi ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv ang pag-postpone sa lahat ng mga biyahe papuntang Israel mula sa Pilipinas hanggang sa mag-stabilize ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Ito ay kasunod ng patuloy na bakbakan sa pagitan ng Israeli military at Palestinian militant group kung saan tinatayang mahigit 1,000 katao na ang patay sa magkabilang panig.
Sinabi naman ng Philippine embassy na bukas pa rin ang Ben Gurion International Airport at patuloy ang biyahe mula Israel patungong Pilipinas.
Gayunman, inabisuhan ng embahada ang mga Pilipino na may kumpirmadong flights na makipag-ugnayan sa kanilang travel agency para sa posibleng kanselasyon ng flights.
Samantala, inanunsiyo ng embahada na muli itong magbubukas sa October 9 matapos itigil ang operasyon noong October 8.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 30,000 ang mga Pinoy sa Israel as of December 2021 batay sa Population and Immigration Authority ng Israel.
Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na binabantayan ng DFA ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Middle East at patuloy nito na pangangalagaan ang kapakanan ng mga apektadong Pilipino.
Moira Encina