Ilang Pinoy sa Israel, unaccounted for ayon sa isang DFA official
Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may ilang Pilipino sa Israel na “unaccounted for.”
Sa panayam ng programang Ano sa Palagay N’yo (ASPN), sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na maaaring nawawala o nawalan nang contact sa mga nasabing Pinoy sa mga Filipino groups doon.
Batay naman aniya sa pinakahuling impormasyon na natanggap niya mula sa Philippine Embassy sa Tel Aviv, walang Pinoy casualties sa kaguluhan sa Israel.
Patuloy naman aniya ang pagberipika ng pamahalaan sa mga ulat ng mga Pilipino na dinukot ng Palestinian militants.
All accounted for naman aniya ang mga Pinoy agricultural students.
Sinabi ni De Vega na sa ngayon ay wala pang itinataas na alert level ang DFA sa Israel at wala pang ipinapatupad na forced repatriation.
Handa naman aniya ang DFA at iba pang ahensya ng pamahalaan na i-repatriate ang mga Pinoy na nais na bumalik ng Pilipinas.
Ayon pa sa opisyal, isa ring concern nila ay ang mga Pilipino sa Gaza na aabot sa 150.
Ang mga nasabing Pinoy ay asawa ng Palestinians.
Pero sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na hiling na sila ay ma-repatriate.
“We condemned these incidents we believe in the international law and also we sympatize with the victims and we thank Israel for the assistance they are giving sa ating mga kababayan” pahayag ni DFA Usec. Eduardo de Vega
Moira Encina