Pagkakasabat ng 730 kilos ng shabu sa Pampanga iniimbestigahan sa Kamara
Sinimulan na ng House Committee on Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa pagkakasabat ng kabuoang 730 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng 4.9 bilyong piso sa bayan ng Mexico at Ciudad ng Mabalacat sa lalawigan ng Pampanga.
Sinabi ni Congressman Robert Ace Barbers Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang imbestigasyon ay batay sa House Resolution 1346 na inihain ni Pampanga Congressman at House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.
Ang imbestigasyon ay dinaluhan ng mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Authority o PDEA, Philippine National Police Drug Enforcement Group o PDEG, Bureau of Customs o BOC, Subic Freeport Officials at National Bureau of Investigation NBI.
Inihayag naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na labis siyang nababahala sa pagkakasabat ng 530 kilos ng shabu sa bayan ng Mexico na nagkakahalaga ng 3.6 bilyong piso at 200 kilos ng shabu sa Mabalacat City na naglakahalaga ng 1.3 bilyong piso dahil ang kanyang lalawigan ay hindi kilalang pugad ng mga drug traffickers.
Ayon kay Gonzales kailangang malaman kung sino-sino ang nasa likod ng pagpupuslit ng ilegal na droga dahil karaniwang nangyayari ay fictitious ang mga consignee ng mga kontrabando na ipinapasok sa bansa.
Kaugnay nito pinayagan naman ni Congressman Barbers na magsagawa ng executive session ang committee kaugnay ng mga confidential details ng pagkakasabat ng daang-daang kilo ng shabu sa lalawigan ng Pampanga.
Vic Somintac