Sa halip na baril, cellphone, laptop at internet na lang ang ginagamit ngayon ng mga kriminal – DOJ
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na 90 percent ng krimen ngayon ginagawa na sa pamamagitan ng internet
“Ang krimen po ngayon 90 percent po mayroon nang cybercrime content, may cyber content na po halos lahat ng krimen. In fact yung mga holdap po ng bangko wala na ho tayong naririnig pumapasok sa bangko na may hawak ng baril ang nangyayari po sa mga computer po natin saka sa telepono ninanakaw ang pera. Yung bank robbery po sa ano na ho sa telepono na po cyber na rin po. So ang kailangan po namin talaga malaking tulong po sa capability ng NBI cybercrime office saka ng DOJ cybercrime office.” pahayag ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla
Pero ang problema ayon sa Kalihim, kapos ang kanilang pondo para tugisin ang mga dawit sa cybercrime
Humingi ng tulong si Remulla sa mga senador dahil sa napakaliit na pondo ng DOJ para sa intelligence habang ang intelligence funds ng NBI para sa cybercrime sa susunod na taon aabot lang sa 475 thousand pesos.
Bukod sa intel funds, kailangan aniya ng dagdag na pondo para sa recruitment at training ng mga bagong NBI agents at mga bagong kagamitan.
Para palakasin ang kanilang kapabilidad na tugisin ang mga kriminal.
“Ang DOJ cybercrime office at ang NBI cybercrime office ay nangangailangan po talaga ng tulong. Sa DOJ po ang aming staffing sa aming cybercrime office ay hanggang 20 people only. And actually kung talagang susundan po natin kung mayroon po tayong cybercrime prosecutor specialized we will be needing atleast 200 people for this.” dagdag pa ng Kalihim.
Sinusuportahan naman ng mga senador ang apila ng DOJ
Ayon kay Senador JV Ejercito, kailangang bigyan ng armas ang DOJ lalo na ang NBI para palakasin ang kanilang kapabilidad na tugisin ang mga kriminal
Marami na aniya ang naging biktima na ang pinakahuli ay ang philhealth matapos ma-hack ang kanilang sistema
“Medyo controversial kasi yung confi funds intel funds but yung sa DOJ is justifiable because it is being used for the WPP and other assets tama po noh, yung buong budget halos doon po napupunta for the WPP. with that Mr Chair medyo allergic ang Senado kasi dun sa mga other agencies civilian in nature that are asking for intel funds or confi funds i think for this purpose its justified.” paliwanag ni Senador JV Ejercito.
Mungkahi naman ni Senador Raffy Tulfo, ilipat ang intel funds ng Department of Agriculture sa NBI.
“Siguro Mr. Chair I”m proposing na medyo pumitas tayo dun sa budget ng DA sa confi funds i-transfer natin ilan dun sa NBI siguro i-distribute natin, PNP, Immigration, i don’t know nasa discretion ninyo po yun pero para sa akin kasi really it doesn’t make sense na yung DA magkakaroon ng confi funds. pahayag naman ni Senador Raffy Tulfo
Inaprubahan naman at irerekomenda na sa plenaryo ang budget ng DOJ at mga attached agencies nito na nagkakahalaga ng 34.486 billion pesos
Meanne Corvera