Wembanyama muling nagningning sa ikalawang laro ng Spurs
Muling nagningning si Victor Wembanyama, ang numero unong draft pick ngayong taon sa NBA, sa kapansin-pansing 23-point performance sa kaniyang ikalawang pre-season outing para sa San Antonio Spurs.
Pinangunahan ng Frenchman na si Wembanyama ang Spurs sa 120-104 home win laban sa second-string Miami Heat, kung saan ang 19-year-old ay nagdagdag din ng apat na rebounds, apat na assists at tatlong block sa loob lamang ng 23 minuto sa court.
Pinatayo ng 7ft 3in na si Wembanyama ang mga nanood ng laro sa Frost Bank Center, dahil sa matinding dunk sa ikalawang quarter.
Gumawa siya ng isang serye ng mga kagila-gilalas na laro, kapwa opensiba at depensiba, na ang pinaka-kapansin-pansin ay ang isang left-handed dunk mula sa labas ng restricted area sa ikatlong quarter.
Sinabi ni Wembanyama, “I’m still learning to do some things defensively, defending the pin downs, for example. I’m really learning a lot, and I’m trying to expand my tools on defense, too.”
Aniya, nararamdaman niyang siya at ang koponan ay nagkakaroon na ng unawaan sa isa’t isa.
Sabi pa nito, “I think we’re on the right path. We’ve still got a lot to learn about ourselves and also about our teammates but we are on the right path. Personally, I’m trying to apply what the coach says. I’m learning a lot, lots of new stuff, and I think it’s all going down to our individual sacrifices.”
Rated bilang isa sa mga pinakakapana-panabik na talento na pumasok sa liga sa mga nakaraang taon, sinabi ni Wembanyama na humanga siya sa kung gaano kabilis ang pag-adjust ng kanyang mga kasamahan sa koponan sa kanyang “range of skills,” na higit sa karaniwan para sa isang matangkad na manlalaro.
Sabi ni Wembanyama, “For most of my short career so far, my teammates have had to learn to play with me because sometimes I know they are surprised to see me do some stuff.”
Dagdag pa niya, “But the surprise coming here is I play in the best league in the world now, and the guys just learn quicker. I feel like we’ve already got a connection, all of us, and I’m really thankful for that.”
Ang opening match ng San Antonio Spurs sa regular season ay sa home court, na gaganapin sa Oktubre 25 at ang makakalaban nila ay ang Dallas Mavericks.