Non-essential embassy staff pinayagan na ng US na umalis sa Lebanon

Photo courtesy of net25.com

Pinayagan na ng Estados Unidos ang non-essential embassy staff at kanilang pamilya, na lisanin ang kanilang embahada malapit sa Beirut dahil sa hindi matiyak na sitwasyong pangseguridad sa Lebanon bunsod ng giyera ng Hamas at Israel.

Itinaas na rin ng State Department ang kanilang travel advisory sa Lebanon sa pinakamataas na level four simula sa level three na inisyu noong Hulyo, at pinayuhan ang kanilang mga mamamayan na iwasan na ang pagtungo sa nasabing bansa.

Batay sa pahayag ng State Department, “Do not travel to Lebanon due to unpredictable security situation related to rocket, missile, and artillery exchanges between Israel and Hezbollah or other armed militant factions.”

Ang Lebanon-based Hezbollah na gaya ng Hamas ay suportado rin ng Iran, ay dati nang sangkot sa serye ng mga insidente sa kahabaan ng south Lebanese border nito sa Israel.

Matapos ang nangyaring pagsabog sa isang ospital sa Gaza na ikinasawi ng daan-daang katao, ang Hezbollah ay nanawagan ng isang “day of rage.’

Ang Israel at Palestinians ay kapwa nagpalitan ng sisi sa nangyari, ngunit ang kanilang mga pag-aangkin ay hindi rin napatutunayan pa.

Simula noong Oktubre 7, ang labanan sa kahabaan ng Israeli-Lebanese border ay ikinasawi na ng hindi bababa sa 18 katao sa Lebanese side na karamihan ay fighters, ngunit ng isa ring mamamahayag ng Reuters at dalawang sibilyan.

Hindi naman bababa sa tatlo katao ang namatay sa Israeli side.

Samantala, hinimok na rin ng France ang kanilang mga mamamayan na iwasan ang pagbiyahe sa Lebanon, habang ilang Western airlines naman ang nagsuspinde na ng mga biyahe.

Ang Britanya, Canada, Spain, Germany, at Australia ay nagpalabas na rin ng travel warnings.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *