Pribadong pag-aari na campaign materials na nakakabit sa private property, hindi maaaring tanggalin ng Comelec-SC
Idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang ginawang pagkumpiska at pagsira ng Comelec sa mga pribadong pag-aari na election campaign materials na nakakabit sa private property.
Kaugnay ito sa petisyon na inihain ng St. Anthony College of Roxas City laban sa poll body.
Nag-ugat ito sa pagbaklas ng Comelec sa sariling campaign materials ng eskuwelahan na nakakabit at naka- display sa premises nito para sa sinuportahang kandidato nito noong 2022 Presidential Elections.
Sa desisyon ng Supreme Court, sinabi na alinsunod sa Fair Elections Act ang mga election materials ng mga kandidato at partido politikal lang ang nasa ilalim ng regulasyon ng Comelec.
Ayon sa SC, hindi pinapayagan ng batas ang poll body na pakialamanan ang political speech ng mga pribadong indibiduwal sa sarili nitong ari-arian.
Paliwanag pa ng Korte Suprema, hindi maaaring ipatupad ng poll body ang Oplan Bakkas sa mga pribadong indibiduwal na nagpapahayag ng kanilang pag-suporta sa isang kandidato o partido.
Nalabag din anila ang property rights ng paaralan dahil walang legal na batayan para pasukin ng poll body ang nasabing private property at kumpiskahin ang mga pag-aari nitong campaign materials.
Ipinunto pa ng SC na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang freedom of speech and expression kasama na rito ang political speech ng mga indibiduwal.
Moira Encina