2,000 PDLs sa BuCor, inaasahang makaboto ngayong araw
Courtesy : Archie Amado
Kabuuang 2,000 inmates mula sa iba’t-ibang piitan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang inaasahang boboto ngayong araw para sa halalang pambarangay.
Ito ang unang barangay elections para sa Persons Deprived Of Liberty (PDLs) sa BuCor matapos ang ilang postponement nito at bawiin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa PDL. voting sa local elections.
Umaabot sa 880 PDLs ang boboto mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ang mga nasabing bilanggo ay nakarehistro sa Brgy. Poblacion.
Sa inisyal na bilang ng BuCor, dapat nasa 930 ang boboto pero nabawasan matapos na makalaya ang iba, malipat ng kulungan o kaya ay masentensiyahan.
Bago mag-alas siyete ng umaga ay pinapasok na sa voting area ang unang batch ng inmates na boboto.
“Ang mga qualified po during registration na nagregister sa amin as pdl.voters at hindi pa po final ang kanilang sentensiya pwede po silang bumoto.” ani Atty. Kimberley Joy Alzate-Cu, Muntinlupa City Election Officer.
Nasa 48 guro at support staff ang nagsisilbing Election Officers sa PDL voting sa Bilibid.
Ayon sa kanila, mas gusto nila sa Bilibid na magsilbi kapag eleksiyon dahil kaunti at kontrolado ang bilang ng mga botante.
Bukod dito ay guwardiyado ang lugar at mababait naman ang PDLs kumpara sa polling precinct sa labas kung saan maiingay o magugulo ang ilang botante.
“ mas prefer namin dito magserve kaysa sa school kasi fully guarded kami” pahayag ni Melinda Damiles, PDL Electoral Board.
May ilang International observers din ang nagpunta sa lugar para saksihan ang botohan sa BuCor.
Wala namang inaasahan ang Commission on Elections (COMELEC) na anumang untoward incident o aberya sa PDL voting sa Bilibid.
Nagsagawa rin ang poll body ng simulation sa Bilibid para sa eleksiyon ngayong araw.
Dagdag pa ni Atty. Cu, “for the bureau of corrections matagal na natin silang partner agency na sila po tumutulong sa atin para magpaboto sa PDL, very organized po sila alam na po nila kung ano ang ginagawa.”
Hanggang 2pm na lang botohan sa Bilibid dahil kailangang maibalik ang mga balota sa mother precinct sa Poblacion Elementary School.
Pero sa pagtaya ng COMELEC ay posible namanng matapos ang botohan ng mga preso bago mag alas dos ng hapon.
Moira Encina