Dalawa patay sa protesta ng Bangladesh garment workers
Libu-libong garment workers sa Bangladesh ang nagwalk-out upang i-protesta ang mababang pasahod, na nauwi sa pagpapang-abot ng security forces at protesters at naging sanhi ng pinsala ng maraming pabrika at ikinasawi pa ng dalawa katao.
Ang Bangladesh ang isa sa pinakamalaking garment exporters, na ang industriya ay kumakatawan para sa 85 porsiyento ng $55 bilyong taunang export ng bansa, ngunit grabe ang kondisyon para sa marami sa apat na milyong manggagawa nito.
Sinabi ng mga pulis, na hindi bababa sa 10,000 trabahador ang umalis sa kanilang ginagawa upang mag-protesta sa Gazipur, ang pinakamalaking industrial city ng Bangladesh, kung saan sinunog ang isang anim na palapag na pabrika na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa dalawang nasawi.
Mayroon pang pitong libong nagprotesta sa mga bayan ng Ashulia at Hemayetpur, ayon sa mga awtoridad.
Hindi naman sinang-ayunan ni Ashulia garment union leader Mohammad Ibrahim ang sinabing bilang ng mga pulis, sa pagsasabing mahigit sa 100,000 ang lumahok sa protesta.
Ang pinakamatinding karahasan ay sumiklab sa isang highway sa hilaga ng Dhaka na kapitolyo ng Bangladeh hanggang sa Mymensingh, kung saan hindi bababa sa 4,000 mga manggagawa ang nakipagsagupa sa pulisya, hinarangan ang mga daan at sinunog ang isang pick-up truck.
Ayon kay Sarwar Alam, hepe ng industrial police unit sa Gazipur, “One garment worker was injured during the clashes, and he died as he was taken to a hospital. They hurled rocks at our officers like rain. Some policemen were injured during the clashes. We fired tear gas and sound grenades to disperse the workers.”
Sinabi ng mga pulis at opisyal ng fire service, na sa Gazipur, ay tinarget ng mga manggagawa ang mga planta na hindi pinayagan ang kanilang mga trabahador na sumali sa demostrasyon, at sinunog ang isang pabrika sa Konabari.
Ayon kay Gazipur fire service chief Abdullah Al Arefin, “One worker of ABM Fashions died from suffocation after the fire spread to the first three floors. We rescued another worker alive.”
Sinabi ng Pulisya na hindi bababa sa 40 mga pabrika ang napinsala matapos basagin ng mga protester ang mga bintana at sirain ang mga kasangkapan.
Pahayag ni Mahbubur Rahman, police chief ng industrial regions ng Bangladesh, nakikipag-usap na ang mga awtoridad sa mga lider ng mga unyon upang mapayapang resolbahin ang protesta.
Ang Bangladesh ay tahanan ng humigit-kumulang sa 3,500 garment factories, kung saan ginagawa ang damit para sa pinakamalalaking retailers at brands sa mundo, ngunit ang basic monthly wage para sa manggagawa ay 8,300 taka ($75) lamang.
Sumiklab ang mga protesta nitong weekend matapos mag-alok ng makapangyarihang manufacturers association ng isang 25 percent raise, at hindi pinansin ang hinihingi ng mga unyon para sa isang bagong monthly minimum basic wage na 23,000 taka, o halos tatlong ulit na pagtaas.
Nalampasan na ng Bangladesh ang kapitbahay nitong India sa per capita na kita, kung saan ang industriya ng damit ang sentro ng kahanga-hangang paglago nito sa nakalipas na dalawang dekada.
Sinasabi ng mga unyon na ang mga may-ari ng pabrika ng damit — na kinabibilangan ng mga ministro at maimpluwensyang mambabatas — ay may papel na ginampanan sa pag-aayos ng minimum na sahod sa mga nakaraang negosasyon.
Sinabi ni Taslima Akter, pinuno ng Garment Sramik Samhati union, “The workers have been badly impacted by a cost of living crisis, and the cost of food has skyrocketed. If you take into account inflation and the depreciation of the taka against the dollar… the manufacturers were offering less than what a worker got in 2017 when the basic minimum wage was fixed.”
Ang mga pangunahing brand gaya ng Gap, Levi Strauss, Lululemon, at Patagonia ay gumawa ng liham para kay Prime Minister Sheikh Hasina ngayong buwan na nananawagan para sa isang “matagumpay na konklusyon” sa mga negosasyon sa sahod.
Nakasaad sa liham ng mga kompanya, “The consultations should seek to raise the minimum wage to a level that corresponds with a wage level and benefits that are sufficient to cover workers’ basic needs and some discretionary income.”
Ang mga protesta sa sahod at hindi magandang kondisyon sa kaligtasan sa lugar ng paggawa, ay madalas na sumisiklab sa Bangladesh.