DFA tinuligsa ang paratang ng China na nanghimasok ang barko ng Pilipinas sa Bajo De Masinloc
Kinontra ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alegasyon ng Tsina na nanghimasok sa karagatan malapit sa Bajo De Masinloc ang BRP Conrado Yap noong October 30.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma.Teresita Daza, walang legal na batayan at layon lang na mapataas ang tensyon sa West Philippine Sea ang nasabing pahayag ng Chinese People’s Liberation Army.
Sinabi ni Daza na ang Bajo De Masinloc ay mahalagang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at may soberenya at hurisdiksyon doon ang bansa.
Paliwanag pa ng opisyal ang maritime patrols na isinasagawa ng Pilipinas ay lehitimo at pamalagiang aksyon sa mga karagatang sakop at parte ng responsibilidad nito.
Dahil dito, iginiit ng DFA na walang obligasyon ang Pilipinas para kunin ang pahintulot ng ibang estado sa paglalayag ng Pilipinas sa sarili nitong teritoryo.
Binigyang- diin pa ng kagawaran na ang China ang nanghihimasok sa territorial waters ng Pilipinas.
Muling ipinunto ng DFA na ang mga pangha-harrass, pagharang at intimidasyon ng Tsina sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea at Bajo De Masinloc ay paglabag sa international laws gaya sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.
Moira Encina