Senador na nag-leak sa media ng detalye sa Executive session pinaiimbestigahan sa Senado
Nais paimbestigahan ng mga Senador ang mga kapwa nila mambabatas na umano’y nag leak ng impormasyon hinggil sa mga isyung tinalakay sa kanilang executive session kahapon.
Sa rules ng Senado mahigpit na ipinagbabawal na ilabas sa publiko ang anumang detalye ng mga pinag -usapan sa isang executive session.
Sa privilege speech ni Senador Jinggoy Estrada, ibinunyag nito na walo hanggang siyam na Senador ang pinangalanan ng isang media entity (pulitiko) na umano’y desididong ibalik ang confidential at intelligence fund ng office of the Vice President at Department of Education na una nang tinapyas sa bersyon ng inaprubahang budget ng Kamara.
Ayon kay Estrada, nakakalungkot na may mga kapwa Senador na naglalabas ng ganitong impormasyon gayong wala naman aniyang nangyaring botohan sa isyu.
Kinondena ni Estrada ang aniya’y mali maling detalye ng report .
Inirekomenda ni Estrada na imbestigahan ang isyu at maipatawag ang media outlet na naglabas ng impormasyon .
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri nakakaalarma na nagle-leak ang mga pinag-uusapan sa executive session.
Pangamba niya baka hindi na magtiwala ang Executive department ng mga security agencies ng gobyerno na maglabas ng detalye ng mga sensitibong impormasyon.
Pero para kay Senador Francis Escudero, hindi naman lumabas ang detalye ng executive session at tsismis lang ang nakuhang impormasyon ng media entity.
Pero si Senador Ronald dela Rosa na sinasabing isa sa mga pumabor na ibalik ang confidential at intelligence fund ng tanggapan ng bise presidente.
Nagdesisyon naman ang Senado na irefer ang isyu sa Committee on ethics.
Meanne Corvera