Over supply dahil sa over importation ng manok, iimbestigahan ng Kamara
Nais ni Congressman Mark Enverga Chairman ng House Committee on Agriculture and Foods na magsagawa ng Congressional Inquiry in Aid of Legislation sa pagkakaroon ng over supply ng manok sa mga palengke dahil sa walang kontrol na importasyon.
Ayon kay Enverga, nais malaman ng Kamara kung nagkakaroon ng dumping o over importation ng karne ng manok kaya bumabaha ang suplay nito sa merkado.
Nanawagan ang mambabatas sa Department of Agriculture o DA, Department of Trade and Industry o DTI at Department of Finance o DOF na magsagawa ng Motu Propio Inventory kung totoong mayroong dumping o over importation ng karne ng manok sa bansa.
Iniulat sa Kamara ng grupong United Broiler Raisers Association o UBRA na pinamumunuan ni Ginoong Gregorio San Diego na ang over supply ng karne ng manok sa merkado ay nananatiling problema na nagdudulot ng pagbaba ng farm gate price ng manok.
Dahil batay mismo sa projection ng DA tatagal ng 114 days ang surplus sa supply ng manok sa bansa hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Napag-alaman din sa Philippine Rural Reconstruction Movement o PRRM na isang non-governmental organization na pinamumunuan ni Ginoong Edicio Dela Torre na ang mga small community based chicken producers ang matinding tinataman sa over importation kaya sila nalulugi.
Samantala, iginiit ng Philippine Association of Feed Millers na dapat ipatupad ng gobyerno ang 5 percent tariff sa importasyon ng yellow corn na pangunahing sangkap sa feeds na kinakain ng mga manok.
Ganito rin ang posisyon ng Management Association o MAP na nanawagan din sa pamahalaan na magsagawa ng restructuring sa taripa sa mga inaangkat na karne kasama ang manok.
Vic Somintac