Roro Vessel tumagilid habang nasa karagatang sakop ng Languindingan
Isang Roll On Roll Off o Roro Vessel ang tumagilid habang nasa karagatang sakop ng Laguindingan sa Misamis Oriental pasado alas ocho kagabi.
Patungo sana ito sa Cebu mula sa Cagayan De Oro.
Sa kabila nito, ayon sa Philippine Coast Guard ay ligtas naman ang 448 na pasahero ng MV Filipinas CDO.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, matapos matanggap ang report ay nagpadala ng mga tauhan ang Coast Guard.
Pero dahil kaya pa naman ng barko sa kabila ng sitwasiyon nito, dahan-dahan na lang siyang naglayag papunta sa pantalan ng CDO habang naka-alalay ang PCG.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng PCG ang dahilan nang pagtagilid ng barko.
Tinitingnan din ng Coast Guard kung nakaapekto sa pagtagilid ng barko ang malakas na hangin sa lugar.
Ang Maritime Industry Authority o Marina sinuspinde na ang Passenger Ship Safety Certificate ng MV Filipinas Cagayan De Oro.
Madelyn Villar- Moratillo