King Charles nagdiriwang ng kaniyang ika-75 kaarawan
Pitompu’t limang taon na ngayong Martes si King Charles, ngunit masigasig pa rin ito sa mga aktibidad isang taon makaraan siyang maging hari kasunod ng pagpanaw ng kaniyang ina na si Queen Elizabeth II.
Gugulin ng hari ang kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng public engagements na susundan ng isang pribadong hapunan sa kaniyang tahanan sa London.
Gagamitin ng matagal nang environmentalist ang kaniyang natatanging araw upang ‘i-highlight’ ang mga bagay na malapit sa kaniyang puso, kabilang na ang pagbisita sa isang surplus food distribution centre kasama ng kaniyang asawang si Queen Camilla.
Sa naturang pagbisita ay opisyal na ilulunsad ang Coronation Food Project, isang inisyatiba na may layuning tugunan ang kakulangan sa pagkain sa pamamagitan ng muling pamamahagi ng mga pagkain na itatapon na lamang.
Magiging host din si King Charles ng isang reception sa Buckingham Palace para sa 400 mga nurse at midwife bilang bahagi ng 75th anniversary celebrations ngayong taon para sa National Health Service (NHS) na pinatatakbo ng estado.
Sosorpresahin naman siya ng NHS choir ng isang birthday song, at magkakaroon din ng gun salutes na maririnig sa buong London, ayon sa anunsiyo ng Buckingham Palace.
Ibinunyag naman ng 76-anyos na si Queen Camilla na ang ‘workaholic’ na hari ay mahirap bilhan ng regalo.
Aniya, “I will tell you that he is the most difficult person in the world to buy a present for… So he likes to make a list of things that he wants so you get it exactly right. He likes ‘a cake and a bit of a sing-song,’ however it was often difficult to get him to take a break.”
Ang pagdiriwang sa gabi ay dadaluhan ng malalapit na miyembro ng pamilya at mga kaibigan, ngunit ang kaniyang bunso na si Prince Harry ay hindi makadadalo.
Sinabi ng tagapagsalita para kay Harry at sa kaniyang asawang si Meghan, na pinabulaanan ng mga ito ang mga napaulat na tinanggihan nila ang isang imbitasyon sa pagsasabing “walang nakipag-ugnayan sa mag-asawa tungkol sa isang imbitasyon sa nalalapit na kaarawan ng hari.”
Si Prince Charles Philip Arthur George ay isinilang noong November 14, 1948 sa Buckingham Palace, siya ang unang anak ng noo’y future queen na si Elizabeth II at Prince Philip, Duke of Edinburgh.
Gaya ng kaniyang ina, na namatay sa edad na 96 noong September 2022, si Charles ay mayroon ding isang ‘busy diary’ ng royal duties sa kabila ng kaniyang edad.
Subalit sinabi ni Ed Owens, isang royal historian at author, na higit na aktibo si Charles sa international stage kaysa kaniyang ina.
Sinabi ni Owens, “Charles had adopted the role of a ‘kind of international lead diplomat of Great Britain’ and the Commonwealth.”
Ipinakita rin ng may-akda ng “After Elizabeth: Can the Monarchy Save Itself?” na masaya siyang magsalita tungkol sa mahihirap na isyung may kaugnayan sa colonialism at sa British empire.
Sa kaniyang pagbisita sa Kenya sa mga unang bahagi ng Nobyermbre, kinilala ni Charles na “walang excuse” para sa nangyaring pag-abuso sa panahon ng colonial-era sa nabanggit na East African country.
Ayon pa kay Owens, “He’s confronting some of those more problematic histories in a way that Elizabeth II never would have done.”