Biden hinimok ng pangulo ng Indonesia na tumulong na matigil na ang mga kalupitan sa Gaza
Sa kaniyang pagbisita sa White House nitong Lunes, ay hinimok ni Indonesian President Joko Widodo si US President Joe Biden, na dagdagan pa ang kaniyang mga ginagawa upang matigil na ang mga “kalupitan” sa Gaza at tumulong na magkaroon ng ceasefire.
Natabunan ng giyera sa Israel at Hamas ang mga pag-uusap, na ang layunin ay mapaigting pa ang ugnayan sa pagitan ng Indonesia at Estados Unidos, bago ang pakikipagpulong ni Biden kay Chinese President Xi Jinping sa linggong ito.
Sinabi ni Widodo, “Indonesia appeals to the US to do more to stop the atrocities in Gaza. Ceasefire is a must for the sake of humanity.”
Sabi pa ng pangulo ng Indonesia, na magdadala siya ng isang “napakalakas na mensahe” mula sa isang joint summit ng Arab at Muslim leaders sa Riyadh na kumukondena sa Israel at nananawagan para sa isang ceasefire.
Ayon pa sa opisyal, “I would ‘deliver a specific message from President Mahmoud Abbas of Palestine,’ who asked me to convey it to President Biden regarding the war.”
Ngunit nanatiling nakatuon si Biden sa mga plano upang i-upgrade ang pakikipag-ugnayan sa Indonesia sa pinakamataas na antas, isang tinatawag na komprehensibong strategic partnership.
Tinatangka ng Washington na palakasin ang mga alyansa sa Asia-Pacific region dahil sa umiigting na presensiya ng China.
Ayon kay Biden, “This will mark a new era of relations between the United States and Indonesia across the board, affecting everything.”
Dagdag pa nito, pag-uusapan din nila ang kooperasyon sa kritikal na mineral para sa electric vehicle batteries at iba pang clean energy technologies, kung saan ang Indonesia ay may malaking reserves.
Ang pulong ay ginawa dalawang araw bago ang nakatakdang pakikipagkita ni Biden kay Xi sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa San Francisco.
Umaasa ang Washington at Beijing na ma-stabilize ang ugnayan sa kabila ng tumataas na tensiyon ng kompetisyon para sa pakikipag-alyansa sa mga bansang gaya ng Indonesia.
Sinabi ng isang US official, “Indonesia and other countries will be watching the talks between the superpower rivals because they want a situation that is not risking global conflict.”
Inihayag ni Biden ang isang katulad na ‘pag-upgrade’ sa relasyon sa Vietnam sa isang pagbisita sa Hanoi noong Setyembre.
Ang Indonesia, gaya ng maraming umuusbong at umuunlad na mga bansa, ay nakatanggap ng malaking Chinese investment at pautang, partikular para sa infrastructure projects.
Subalit ang ‘global concerns’ tungkol sa Israel-Hamas conflict ay nasa agenda sa Washington, kung paanong nasa agenda rin ito ng San Francisco sa huling bahagi ng linggong ito.
Sinabi ng mga opisyal sa US, “Biden would in turn urge his Indonesian counterpart to take a ‘larger role’ in resolving the Middle East situation.”
Ayon sa isang senior US administration official, “I think it will be critical to hear the perspectives from Indonesia about the ongoing conflict in the Middle East.”
Aniya, “This would include the ‘ceasefire issue’ but also long-term goals such as a two-state solution after the war and rebuilding the shattered Gaza Strip.”
Noong nakaraang linggo ay itinanggi ng Indonesia ang alegasyon ng Israel, na ang isang ospital na itinayo sa Gaza gamit ang Indonesian charity funding ay nasa ibabaw ng isang network ng Hamas tunnels.