Isang consultancy agency sa Maynila, isinara ng DMW

Sinelyuhan ng mga tauhan ng Deparment of Migrant Workers (DMW) at mga pulis ang tanggapan ng isang consultancy firm sa Sta. Cruz, Maynila dahil sa sinasabing illegal recruitment ng mga seaman.

Ayon sa DMW, walang lisensya ang Double D Training Consultancy Services (DDTC) para mag-recruit, magpadala o mag-refer sa mga tripulanteng Pilipino nang direktang sa dayuhang employers.

Ikinasa ang operasyon matapos na makatanggap ang DMW ng mga reklamo mula noong Agosto sa ilang biktima at isailalim ito ng Migrant Workers Protection Bureau sa surveillance.

Nabatid ng DMW na naniningil ng Double D Training ng P80,000 na processing fee kada aplikante para sa mga posisyon ng seaman, oiler at engineer.

Nilinaw ng DMW na hindi naningil ang mga lisensyadong recruitment agency partikular sa posisyon ng seafarer.

Itinanggi naman ng mga tauhan ng DDTC na sangkot sila sa illegal recruitment at handa naman silang makipagtulungan sa DMW.

Iginiit naman ng kagawaran na illegal recruitment ang ginagawa ng DDTC.

Pinayuhan naman ng DMW ang mga Pinoy na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na huwag makipagtransakyon sa mga consultancy firm.

Dapat anilang tingnan sa website ng kagawaran sa www.dmw.gov.ph ang listahan ng mga lisensyadong ahensya at job orders.

Hinimok ng DMW ang mga biktima ng ahensya na lumapit sa kanilang upang makunan ng salaysay para sa ihahaing reklamo laban sa DDTC.

Mahaharap sa mga reklamong syndicated illegal recruitment ang DDTC na may parusang habambuhay na pagkakakulong kapag napatunayan sa korte.

Seryoso anila ang pamahalaan sa paghabol sa illegal recruiters dahil ang mga panloloko ito ay nahahantong sa mas seryosong mga krimen.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *