MMDA, iniimbestigahan na ang traffic enforcer sa umano’y pagdaan ni Sen. Revilla sa EDSA Busway
Iniimbestigahan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang traffic enforcer nila na nagsabing dumaan sa EDSA busway ang convoy ni Senador Ramon “Bong” Revilla.
Kasunod ito ng pagtanggi ni Revilla na dumaan sya sa EDSA kaninang umaga.
Sa Kapihan sa Manila Bay News Forum, sinabi ni Bong Nebrija, MMDA Special Operations Chief na inaalam na ng kanilang hanay kung nakita nga talaga ng kanilang traffic enforcer na sakay ng sasakyan si Revilla.
Ayon kay Nebrija, wala siya sa site nang mangyari ito kaya inatasan na nila ang traffic enforcer na maglabas ng mga litrato sa sinasabing convoy ng Senador.
Ito ay para matutunton ng MMDA kung kanino talaga ang convoy at sino ang sakay nito.
Una nang sinabi ng traffic enforcer na tinanong niya ang driver kung sino ang sakay.
Sagot daw ng driver, sakay si Revilla at nagbaba pa ng bintana.
Pinaniwalaan ito ng traffic enforcer at ipinaalam kay Nebrija.
Ayon kay Nebrija, inasahan niya na nakita mismo ng enforcer ang Senador kaya nagbigay siya ng go signal na padaanin ang convoy sa EDSA busway.
Madelyn Villar Moratillo