31 premature babies mula Gaza inilikas ng medics
Tatlompu’t isang premature babies mula sa Al-Shifa hospital sa Gaza City, ang inilikas ng Palestinian medics sa isang lubhang mapanganib na evacuation operation ayon sa United Nations o UN, na nakiusap din na ilipat ang mga pasyente at staff na nananatili pa rin doon.
Ang naturang ospital na pinakamalaki sa Gaza, ay inilarawan ng World Health Organization o WHO ng UN, na isang “death zone,” makaraan itong magpadala ng isang team para bisitahin ang pasilidad.
Sinabi ni Mohammed Zaqut, director general ng mga ospital sa Gaza, “All 31 premature babies in Al-Shifa hospital have been evacuated, and preparations are under way for them to enter Egypt.”
Kinumpirma rin ng Palestinian Red Crescent Society (PCRS), na naisagawa na ang paglilipat sa pakikipagtulungan sa United Nations agencies kabilang ang WHO.
Ang Al-Shifa hospital ay naging isang ‘focal point’ para sa Israeli operations, kung saan inaangkin ng army na ginagamit ito ng Hamas bilang isang base. Subalit ang akusasyon ay itinanggi ng Hamas at medical staff.
Target ng Israel na wasakin ang Hamas militants na nasa likod ng October 7 attacks na ayon sa Israeli officials ay ikinasawi ng humigit-kumulang sa 1,200 katao, na karamihan ay mga sibilyan, at humigit-kumulang 240 katao naman ang binihag.
Sinabi ng Hamas health authority na ang walang humpay na military campaign ng Israel ay ikinasawi na ng mahigit 12,300 katao sa Gaza, na karamihan din ay mga sibilyan.
Ayon kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang 31 sanggol na “malala ang karamdaman”ay inialis sa Al-Shifa hospital sa anim na PCRS ambulances sa ilalim ng aniya’y “extremely intense and high-risk security conditions.”
Aniya. dinala ang mga ito kasama ng anim na health workers at 10 staff at family members sa isang ospital sa southern Gaza city ng Rafah, kung saan sumailalim ang mga sanggol sa “urgent care” sa neonatal intensive care unit.
Sinabi pa ng WHO chief, “The agency was planning ‘further missions to urgently transport remaining patients and health staff out of Al-Shifa Hospital, once guarantees of safe passage are secured.”
Ang unang pagbisita ng WHO sa Al-Shifa ay ginawa matapos na daan-daan ang lumikas mula sa ospital noong Sabado kasunod ng isang ayon sa direktor ng Al-Shifa, ay atas ng Israeli army na lisanin ang pagamutan.
Itinanggi naman ng Israel na ipinag-utos nila ito.
Sinabi ni Ahmed al-Mokhallalati, isang doktor sa naturang ospital, “Many patients can not leave the hospital as they are in the ICU beds or the baby incubators.”
Kasunod ng kanilang pagbisita sa Al-Shifa, sinabi ng WHO na 291 mga pasyente at 25 health workers ang nasa loob pa rin ng ospital, bilang na inilabas ilang oras bago inilikas ang mga sanggol.
Simula pa noong Nomyembre 11, nang mawalan ng suplay ng gas sa Al-Shifa, walong sanggol na ang namatay dahil sa kakulangan ng elektrisidad na magpapatakbo sa incubator units, ayon sa health ministry.