Sen. Go, nanawagan sa kapwa mga Senador na ipasa na ang panukalang pagtatatag ng Dept. of Disaster Resilience
Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kasamahang Senador na ipasa na ang panukalang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience (DDR)
Ito ay kasunod ng malakas na lindol sa General Santos City at iba pang lugar sa Mindanao kung saan umakyat na sa siyam ang namatay.
Ayon kay Sen. Go, panahon nang magkaroon ng hiwalay na departamento na tututok sa mga kalamidad upang maging mabilis ang pagresponde at paghahatid ng mga pangangailangan.
Sa pamamagitan din aniya ng itatayong DDR ay matitiyak ang agad na pagbalik sa normal sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad tulad ng lindol, bagyo at pagputok ng bulkan.
Isang cabinet secretary level aniya ang dapat na namamahala sa mga ganitong operasyon upang hindi nababalewala matapos ang unang pagresponde.
Iginiit ng Senador na kailangan ng malawakang koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kapag may mga kalamidad.
Inihalimbawa nito ang koordinasyon sa Department of Information and Communications Technology
(DICT) upang agad na maibalik ang mga linya ng komunikasyon at sa Department of Energy (DOE) para naman sa suplay ng kuryente.
Meanne Corvera