Relief ops at financial assistance sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, pinaigting; Tig-10k sa pamilya ng mga namatay – DSWD
Puspusan na ang isinasagawang relief operations at pamamahagi ng financial assistance ng Pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng malakas na paglindol sa Mindanao.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, personal niyang sinusubaybayan ang relief operations at pamamahagi ng financial assistance sa pamilya ng mga namatay.
Ayon sa Kalihim tig-P10,000 financial assistance ang ibinibigay ng DSWD sa mga namatayan ng mahal sa buhay.
Inihayag ng Kalihim na nakipag-ugnayan na ang DSWD sa Local Government Officials sa mga lugar na pininsala ng lindol upang hindi maantala ang ibinibigay na tulong ng gobyerno.
Ayon kay Secretary Gatchalian, sapat ang Quick Response Funds ng DSWD para tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng lindol.
Vic Somintac