DOH : “Walking pneumonia”, ‘di kabilang sa global notifiable disease
Sa kabila ng kumpirmasyon na may kaso na ng walking pneumonia sa bansa, nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sila magsasagawa ng regular monitoring and testing para rito.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng DOH na hindi naman kasi kabilang ang walking pneumonia sa global notifiable disease.
Sa ngayon, ang China lang ang may datos ng mataas na kaso nito.
Hindi rin anila ito bago dahil dati nang nagkaroon ng ganitong kaso sa bansa.
Ang kabilang umano sa monitoring ng DOH ay ang Influenza Like Illness (ILI) sa bansa na nagsimulang tumaas noong Agosto na panahon ng tag-ulan.
Pero sa nakalipas na 3 hanggang 4 linggo ay nagsimula na umanong bumaba ang mga kaso ng Influenza like Illness sa bansa na nasa 9, 834 kumpara sa 11,106 sa parehong panahon nang nakaraang taon.
Inaasahang muling tataas ang ILI cases pagsapit ng Enero kung saan mas malamig ang panahon.
Una rito, kinumpirma ng DOH na may 4 na kaso ng walking pneumonia sa bansa na una umanong naireport na influenza-like illnesses hanggang nitong Nobyembre 25.
Lahat ng 4 na kasong ito ay nakarekober na.
Madelyn Villar-Moratillo