Paglipat sa ilang inmates sa BuCor mula sa BJMP, inirekomenda
Iminungkahi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Jr. na ilipat sa BuCor ang ilang inmates na nakapiit sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa National Jail Decongestion Summit, sinabi ni Catapang na irirekomenda niya na ang mga bilanggo sa BJMP facilities na may sentensyang pagkakakulong na tatlong taon pababa ay i-transfer sa mga piitan ng BuCor.
Layon nito aniya na matugunan ang problema ng recidivism sa BJMP inmates o ang pag-ulit ng mga ito na gumawa muli ng mga krimen at mareporma ang mga ito.
Halos 13,000 aniya ang inmates sa BJMP facilities na may tatlong taon sentensya pababa.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi ito makadaragdag sa siksikan sa BuCor facilities dahil nagpapatuloy ang pagpapatayo ng regional prisons.
Gayunman, aminado si Catapang na kakailanganin na maamyendahan ang batas para ito ay matuloy.
Moira Encina