Pilipinas nakapagtala ng kaunti lamang na bagyo, nahaharap sa pinakamatinding tagtuyot
Kaunti lamang ang bagyong pumasok sa Pilipinas ngayong 2023 kaysa sa nakalipas na 25 taon, at ayon sa mga opisyal, nahaharap ang bansa sa pinakamatinding tagtuyot.
Ang Pilipinas na isang tropical country at kabilang sa pinakalantad sa mga epekto ng climate change, ay karaniwang dinadalaw ng humigit-kumulang 20 bagyo bawat taon.
Sinabi ni Ana Solis, chief climatologist ng PAGASA, na ngayong taon ay sampung bagyo lamang ang nag-landfall o lumapit sa bansa, pinakamababang bilang simula noong 1998 kung kailan 11 lamang ang naitala.
Aniya, “With less than three weeks of the year left, ‘it looks like the record will be beaten.’ Climate change was ‘probably’ a factor.”
Dagdag pa ni Solis, ang Pilipinas ay nagsimulang magtala ng weather records noong 1948.
Sinabi naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, na bilang resulta ng weather phenomenon na kilala bilang El Nino, ang Pilipinas ay malamang na makaranas din ng “moderate to severe drought conditions” mula Pebrero hanggang Mayo 2024.
Maikukumpara aniya ito sa tagtuyot sa panahon ng 1997-1998 El Nino, na siyang pinakamalubhang dry spell sa bansa.
Ayon pa kay Solidum, nangyayari na ang El Nino, na siyang nagdadala ng mas tuyong kondisyon sa ilang lugar sa bansa kung saan nabawasan ng 80 porsiyento ang ulan na bumabagsak.
Aniya pa, 77 porsiyento ng mga lalawigan sa bansa ang inaasahang daranas ng tagtuyot sa pagtatapos ng Mayo.
Hinimok ni Solidum ang gobyerno na simulan na ang paghahanda upang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na tubig, pagkain at elektrisidad at sinabing, “we need to plan ahead and make it fast.”
Dagdag pa niya, ang temperatura sa Maynila ay maaaring umabot hanggang 38.3 degrees Celsius (100.9 degrees Fahrenheit) sa Abril at Mayo na maikukumpara sa temperatura noong 1998.
Ang northern areas naman ng main island na Luzon ay maaaring umabot sa 41C.