SC pag-aaralan kung magpapatawag ng oral arguments sa mga petisyon vs OVP confi funds
Hinihintay pa ng Korte Suprema ang komento ng Office of the Vice- President at ng Palasyo kaugnay sa mga petisyon laban sa confidential funds.
Sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na sa oras na matanggap ang komento ay pag-aaralan nila kung magtatakda sila ng oral arguments.
Ayon kay Gesmundo, kung sa tingin nila ay kakailanganin na magkaroon ng oral arguments ay magpapatawag sila.
Partikular na inatasan ng SC sina Vice President Sara Duterte, Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman na sagutin ang petisyon ng grupo ni Atty. Barry Gutierrez ukol sa paglipat ng P125 million confidential funds sa OVP noong 2022.
May dalawang iba pang petisyon na inihain sa SC kaugnay sa isyu ng confidential funds.
Pag-aaralan din ng SC kung pag-iisahin ang tatlong petisyon o hiwalay itong didinggin dahil magkakaiba ang mga isyu na isinasaad sa mga ito.
Moira Encina