Bulkang Bulusan binabantayan ng PHIVOLCS
Mahigpit na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang kondisyon ng bulkang Bulusan sa Sorsogon dahil sa pagtaas ng seismic activity nito.
Nakapagtala ang Bulusan Volcano Network (BVN) ng kabuuang 116 na volcanic earthquakes simula alas-9:00 ng gabi ng Disyembre 29, 2023.
Sa mga ito, 110 ay volcano-tectonic (VT) na lindol na nauugnay sa pagkawasak ng bato sa ilalim ng southern flanks sa lalim na 2-6 na kilometro at 6 ay low frequency volcanic earthquakes ( LFVQ) na nauugnay sa paggalaw ng volcanic fluids.
Ang ground deformation data mula sa tuloy-tuloy na GPS at electronic tilt monitoring ay nakapagtala naman ng inflation o pamamaga sa southwestern at southeastern slopes simula pa noong Pebrero 2023.
Sa kabaligtaran nito, napakahina hanggang katamtaman naman ang degassing activity mula sa summit crater at active vents, kapag visible ang summit ng bulkan.
Gayunman, ang tumataas na seismic activity at pressurization ng volcano edifice ay maaaring pahiwatig na may nangyayaring hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan at posibleng magdulot ng steam-driven eruptions sa alinman sa summit vents nito.
Kaya patuloy ang paalala ng ahensiya sa publiko na umiiral pa rin ang Alert Level 1 sa bulkang Bulusan, na nangangahulugang nasa low-level unrest ito sa ngayon na may mataas na tyansa ng steam-driven o phreatic eruptions.
Pinapaalalahanan din ang local government units (LGU) at ang publiko na ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ), at dapat pa ring bantayan ang 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa southeast sector dahil sa posibilidad nang biglaan at mapanganib na phreatic eruptions.
Dapat ding payuhan ng civil aviation authorities ang mga piloto na iwasang lumipad nang malapit sa summit ng bulkan, dahil ang abo mula sa biglaang phreatic eruption ay maaaring maging delikado sa mga sasakyang panghimpapawid.
Inaatasan ding maging mapagbantay ang mga taong naninirahan sa mga lambak at sa tabi ng mga daluyan ng ilog/sapa sa sediment-laden stream flows at mga lahar, sakaling magkaroon ng malalakas at matagal na buhos ng ulan na magaganap kasabay ng phreatic eruption.