Pagbili ng unit ng modern jeepney, nasa pasiya ng mga kooperatiba at ‘di sa gobyerno-LTFRB
Niliwanag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board ( LTFRB) na nasa desisyon ng mga kooperatiba at operators kung anong modelo at brand ng modern jeepney ang bibilhin bilang pagtalima sa public utility vehicle modern program ng pamahalaan.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na hindi dinidiktahan ng gobyerno ang mga kooperatiba at operators sa brand at modelo ng modern jeepney.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag matapos magpasiya ang Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y pagpabor ng LTFRB sa chinese foreign manufacturer ng modern jeepney na masyadong mataas ang presyo.
Ayon kay Guadiz, may listahan ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga local manufacturer, Chinese manufacturer at Japanese manufacturer ng modern jeepney na pumasa sa standard na hinihingi sa public utility vehicle modernization program ng Pilipinas.
Niliwanag ni Guadiz na mayroong 32 klase ng modelo at brand ng modern jeepney ang pumapasada na sa ibat-ibang lugar sa bansa na pumasa sa Philippine standard.
Vic Somintac