Emergency funds dodoblehin ng Japan matapos ang lindol noong New Year’s Day
Plano ng Japan na doblehin ang pondong ginagamit para sa disaster relief at iba pang contingencies at gawin iyong $6.8 billion, matapos ang mapaminsalang lindol noong New Year’s Day.
Ang 7.5-magnitude na lindol at malalakas na aftershocks ay ikinamatay ng hindi bababa sa 222 katao sa central Japan, at nag-iwan ng wasak na mga bahay at mga imprastraktura.
Sa Ishikawa region sa baybayin ng Sea of Japan, nasa 16,700 katao ang stranded sa shelters, na ang karamihan ay walang running water.
Sinabi ni Hiroshi Moriya, deputy chief cabinet secretary, “Uninterrupted support is necessary for the reconstruction and recovery of the disaster-hit areas.”
Aniya, sa fiscal year simula Abril, ay daragdagan ng gobyerno ang kanilang reserve fund na ginagamit para sa emergencies mula sa mga sakuna at economic downturns, na mula sa 500 billion yen ($3.4 billion) ay gagawin nang one trillion yen ($6.8 billion).
Ang revised draft budget ay inaasahang aaprubahan ng ministers at pagkatapos ay isusumite sa parliyamento para maisakatuparan.
Bukod naman dito, humigit-kumulang 100 billion yen ($680 million) mula sa reserve fund ng kasalukuyang taon ang itinakdang gamitin para sa isang relief package para sa nangyaring lindol noong New Year’s Day.
Nadaragdagan ang pangamba na dumami pa ang bilang ng mga mamamatay, dahil sa lumalalang kondisyon sa mga shelter laluna’t nababalot ngayon ng niyebe ang baybayin dahil sa isang cold front.
Tinatangka ng mga opisyal na ilipat ang mga tao sa secondary shelters sa ibang rehiyon na mayroong tubig, kuryente at heaters, ngunit ang progreso ay naging mabagal.
Noong Martes, ang Wajima na lubhang naapektuhan ng lindol ay nagsabi na pinahaba nila ang accommodation arrangements para sa displaced residents sa mga hotel sa ibang bahagi ng bansa.
Pahayag ng Wajima, “Our infrastructure has been decimated, and full-fledged reconstruction is still nowhere in sight.”
Magkagayunman, sinabi ng mga analyst na ang epekto ng sakuna sa ekonomiya ng Japan ay malamang na limitado lamang, dahil ang lindol ay tumama sa isang liblib na lugar na mayroon lamang kakaunting industrial sites.
Sa ebalwasyon ni Takahide Kiuchi, isang ekonomista sa Nomura Research Institute, ang halaga ng napinsalang materyales ay humigit-kumulang sa 800 billion yen ($5.5 billion) sa paunang pagtaya.
Kumakatawan ito sa 0.15 percent lamang ng GDP ng bansa, at wala pang limang porsiyento ng halaga ng pinsala ng malaking lindol at tsunami na puminsala sa northeastern Japan noong 2011.