China – Kyrgyzstan border, tinamaan ng 7.0-magnitude na lindol
Tinamaan ng isang malakas na 7.0-magnitude na lindol ang kahabaan ng bulubunduking hangganan ng China-Kyrgyzstan, na nagdulot ng mga babala ng potensiyal na malawakang pinsala kahit na walang agad na naiulat na nasawi.
Nagdeploy ang mga lokal na awtoridad ng isang team upang marating ang sentro ng lindol, habang nasa 800 katao naman ang nakastand-by na nakahanda para sa anumang malaking disaster relief mission.
Naitala ang lindol ilang sandali makalipas ang alas-2:00 ng umaga (local time), sa lalim na 13 kilometro sa Xinjiang region ng China, may 140 kilometro (85 milya) kanluran ng siyudad ng Aksu.
Ayon sa report, dalawang residential houses at livestock sheds ang gumuho sa lugar na malapit sa sentro, sa rural Wushi County, habang pansamantala na ring nawalan ng suplay ng kuryente.
Iniulat naman ng local TV channels sa Indian capital na New Delhi, ang malalakas na mga pagyanig sa lungsod, may 1,400 kilometro ang layo.
Kuwento ng isang residente sa Aksu, naglabasan ang mga tao habang lumilindol, sa kabila nang napakalamig na temperatura na umaabot sa humigit-kumulang negative 10 degrees Celsius (14 degrees Fahrenheit).
Sinabi naman ni Cao Yanglong na nasa lungsod para sa isang business trip, “while I was on the 21st floor of a hotel, I felt like I was going to be shaken out of bed.”
Naglabasan din sa kalsada ang mga tao sa Bishkek, kapitolyo ng Kyrgyzstan, dahil umuga ang mga dingding at nausog ang mga muwebles dahil sa lindol.
Sa kaniya namang video message ay sinabi ni Bohobek Azhikeev, pinuno ng Kyrgyz Ministry for Emergency Situations, “no casualties or damage have been registered in the city of Bishkek.”
Ayon sa report, limang villages ang nasa loob ng 20 kilometro ng sentro ng malakas na lindol, na sinundan ng maraming mahihinang pagyanig, na ang magnitude ay umabot hanggang 5.5.
Sinabi naman ng United States Geological Survey (USGS), “Extensive damage is probable.”
May mga pag-uga ring naramdaman sa Kazakhstan ayon sa mga awtoridad doon, ngunit wala pa namang nakumpirmang casualties o malaking pinsala.
Batay naman sa images na naipost sa social media at ayon sa local news outlets, lumabas din sa kalsada ang mga tao sa Almaty, ang pinakamalaking siyudad sa Kazakhstan kasunod ng lindol.
Ang lindol nitong Martes ay nangyari isang araw makaraang matabunan ng landslide ang dose-dosenang katao, na ikinamatay ng hindi bababa sa walo sa timog-kanluran ng China.