DOJ nanindigan din na walang legal obligasyon ang Pilipinas para makipagtulungan sa ICC probe
Muli ring nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na walang legal na obligasyon ang Pilipinas para makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra droga noong Duterte Administration.
Ito ay kasunod ng paggiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang ICC sa harap ng mga ulat na nakapasok na ang ICC prosecutors sa Pilipinas.
Ayon sa DOJ, ang anumang presensya sa bansa ng international bodies gaya ng ICC ay dapat alinsunod sa Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas.
Sinabi ng DOJ na kinakailangan ng paalam at pag-apruba mula sa mga ahensya gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Interior and Local Government (DILG), at DOJ bago makapagsagawa ng aktibidad sa teritoryo ng bansa ang mga dayuhang entities.
Muling nilinaw ng DOJ na walang abiso mula sa DFA na nakarating na sa bansa ang ICC investigators.
Iginiit ng DOJ na naipakita na ng bansa na handa at may kapasidad ito na imbestigahan at papanagutin ang anumang krimen na nangyari sa teritoryo nito.
Moira Encina