Pagdinig sa Economic Chacha umarangkada na sa Senado
Umarangkada na ang pagdinig ng Senado sa Resolution of Both Houses no 6 na humihiling na amyendahan ang ilang Economic provisions ng saligang batas.
Mga retiradong mahistrado ng Korte suprema at mga bumalangkas ng 1987 Constitution kabilang na sina dating Chief justice Hilario Davide jr, at dating Justice Adolfo Azcuna ang unang inimbitahan ng Senado .
Ayon kay Azcuna, pabor siyang alisin ang mga restriksyon sa Economic provisions pero hindi sa pamamagitan ng Charter Change kundi lehislasiyon o pagpapatibay ng mga batas na tinawag nitong flexible at maaring amyendahan depende sa pangangailangan ng ekonomiya.
Sinabi ni Senador Sonny Angara na siyang Chairman ng Sub Committee on Constitutional Amendments, kokonsultahin nila ang lahat ng sektor kung may pangangailangan nga ba na amyendahan ang ilang probisyon ng batas sa ekonomiya.
Target aniya nilang matapos ang deliberasyon sa Oktubre bago ang paghahain ng mga kakandidato sa 2025 midterm elections .
Ito’y para maisama sa mga ipa-imprentang mga balota ang plebesito para sa Economic Chacha .
Hinikayat naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga kapwa Senador na huwag magpa apekto sa bangayan sa isyu ng People’s Initiative sa halip ay gawin ang kanilang trabaho lalo na sa Economic Chacha.
Meanne Corvera