Panukalang buwisan ang mga Streaming platform tinalakay sa Senado
Tinatalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na magpapataw ng Value Added Tax sa mga dayuhang Streaming platform.
Nakasaad sa Senate Bill 2528, na hindi ito nangangahulugan na magpapataw ng bagong buwis kundi paglilinaw na dapat maisama sa kasalukuyang tax code ang pagbebenta ng mga serbisyo ng mga digital service provider.
Sakop nito ang mga Streaming platform na nasa labas ng Pilipinas pero nakapagbebenta ng produkto sa Pilipinas.
Ayon sa mga Senador na nagsulong ng panukala, kailangang patawan sila ng buwis para maging patas sa mga Local Streaming platform na pinagbabayad ng buwis.
Sa ngayon hindi malinaw sa batas ang pagpapataw ng buwis sa mga non resident digital service provider.
Sa panukala, oobligahin ang lahat ng lokal at dayuhang digital service providers at mga E market place na pagbayarin ng buwis at ireremit sa Pilipinas.
Sa pagtaya ng Department of Finance, maaaring umabot sa Php 83.3 billon ang makokolektang buwis ng gobyerno.
Meanne Corvera