Pabuya ng mga sumusukong rebelde kinakaltasan ng MILF commanders
Isiniwalat ng ilang dating MILF fighters na kalahati lang ang natatanggap nilang cash assistance mula sa gobyerno.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, sinabi ng Rebel returness na binabawasan umano ng 50 percent ng mga MILF commanders ang P100,000 na cash grant na ibinibigay ng gobyerno sa mga sumusukong rebelde.
Ayon kay Senador Jinggoy Estrada, personal itong sinabi sa kaniya ng mga MILF fighter sa meeting kanina kasama si Presidential adviser on the peace process Carlito Galvez Jr.
Inirekomenda ni Estrada na imbestigahan ni Galvez ang isyu dahil kung totoo ang impormasyon, bilyong piso ang nakukuha ng mga commander at hindi napapakinabangan ng mga surrenderee ang kanilang benepisyo sa pagsuko sa gobyerno.
Nangangamba ang Senador na ang kinakaltas na pera sa mga rebelde ay ipinambibili ulit ng armas ng mga MILF commander.
Ang komite ni Estrada ang nag- iimbestiga sa pagsasagawa ng decommissioning ng mga armas ng mga sumusukong rebelde .
Sa nakaraang pagdinig, una nang kinuwestyon ni Senador Raffy Tulfo ang magkakaibang detalye sa pagsusuko ng armas at pondong ibinibigay ng gobyerno.
Duda si Tulfo na may nangyayaring anomalya dahil kung pagbabatayan aniya ang records aabot lang sa 4,625 ang mga isinukong armas ng mga rebelde taliwas sa MILF combantants na nabigyan ng cash assistance na aabot sa 26,132.
Target naman ng MILF na tapusin ang decomissioning para makalahok sila sa bago 2025 midterm elections .
Meanne Corvera