Mga mambabatas hinihikayat na maging balanse sa isinusulong na across the board wage increase
Hinikayat ng Department of Labor and Employment ang mga mambabatas na maging balanse sa isinusulong na panukala para sa across the board wage increase.
Giit ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, bukod sa 4 na milyong minimum wage earners may higit 8 milyong manggagawa rin ang maaapektuhan sa wage distortion sakaling matuloy ito.
Hindi naman sang-ayon ang DOLE sa probisyon sa panukala na nagpapataw ng parusa sa mga negosyong hindi susunod rito.
Sa ngayon, hinihintay aniya ng DOLE ang magiging pinal na bersyon ng panukala lalo at sa Senado palang naman ito nakakalusot.
Sa Kamara naman, sa Committee level palang nakakapasa ang kapareho nitong panukala at hindi pa umaabot sa plenaryo.
Tiniyak ng kalihim na nanatili namang epektibo ang regional wage board sa mandato nitong pag-aralan ang pagdadagdag ng sahod sa mga rehiyon.
Katunayan, hindi lang aniya sila nakatutok sa minimum wage earners kundi isinasama rin ang para sa mga kasambahay kapag naglalabag ng bagong wage orders.
Madelyn Villar – Moratillo